Download App

Chapter 1: (1) Luntiang Talaarawan

Mag-isang nagpapahinga si Luisa sa tahimik at maaliwas na damuhan sa likod ng kanilang bahay. Katatapos lamang niya tulungan ang mga magulang niya para ipasok at i-ayos ang kanilang mga gamit. Napuno ng iba't ibang kulay ang kanyang itim na pambaba at kalat-kalat na alikabok ang dumikit sa kulay puti niyang sando. Hindi alintana ang magulo nitong buhok at gamit ang kanyang bilugang mga mata, nakatitig lamang ito sa kawalan. Kasabay nito ang pagdampi ng sariwang hangin ng Bicol sa kanyang maliit at maamong mukha. Saka naamoy ni Luisa ang nilulutong tanghalian ng kanyang ina at nanatili ito sa kanyang matangos na ilong at agad nakaramdam ng biglaang gutom.

Sa hindi kalayuan ng kanyang kinauupuan, tanaw niya ang malawak na lawa at ang kumikinang nitong tubig. Tanging mga puno't patay na halaman ang nakapaligid sa lawang ito at tahimik itong nagpapahinga rin sa ingay na dulot ng mundo. Gustong gusto ni Luisa ang kanyang nakikita at napaisip sa kanyang buhay. Tama lang pala na dito nila naisipang lumipat dahil malayo ito sa ingay, gulo at masasamang tao. Dito sa lugar na ito, walang sisira sa kanya. Hindi na niya kailangan pang magsuksok ng kung anong elektronika sa kanyang tainga para lang tumahimik ang kanyang paligid. Ito ang pamumuhay na matagal nang gusto ni Luisa.

Sino bang hindi magnanais ng isang payapang buhay, hindi ba? Marahil lahat naman tayo ay patuloy na bumabangon sa umaga upang makamtan ang maginhawang buhay. Ngunit tila napakalawak ng kahulugan ng isa 'maginhawang buhay' para kay Luisa. Ang iba ay pinanganak nang maginhwa, may ilan na hindi na tinangka pang iniluwal dahil gusto nang maginhawang buhay.

Para kay Luisa, ang isang tunay na maginhawang buhay ay malayang nakalalanghap ng sariwang hangin habang mag-isang nakatulala sa kawalan. Ang maginhawang buhay para sa mahirap na tulad ni Luisa ay umupo sa isang tahimik na damuhan habang isinasantabi ang patong-patong na problema. Sino ba ang may maginhawang buhay na walang problema?

Natigil siya sa kanyang malalim na pag-iisip nang mahagip ng kanyang mga mata ang isang bulaklak na nakatanim sa likod ng bakod nila. Sa hindi kalayuan nito ang lawa na hanggang ngayon at kumikinang pa rin ang tubig gawa ng mataas na sikat ng araw. Napunta ang kanyang atensyon sa nag-iisang bulaklak at nagtatakang pinakatitigan iyon. Sa lahat ng mga halamang namatay sa paligid nito, hindi makapaniwalang ito ay buhay na buhay pa. Tila hindi pumasok sa utak ng mga tao rito na hawakan ang halaman na ito. Sa kuryosidad, nagsimulang tumayo si Luisa at balak na tignan ang bulaklak ng malapitan.

Pahakbang na sana siya nang bigla siyang nakarinig ng pagbukas at sara ng pinto sa kanyang likuran. Iniluwa ng lumang pinto ang kanyang ina na may hugis bigas na mukha na hinaharangan ng ilang mga hibla ng itim at mahaba at kulutan nitong buhok. Hindi aabot sa kuwarenta ang kanyang edad at pawang siya ay kapatid lamang ni Luisa base sa kanyang malalawak na ngiti.

"Luisa, anong ginagawa mo riyan," nagsimula itong maglakad palapit sa kanyang anak at bakas sa kanyang mga mata ang pagtataka habang tinitigan si Luisa. "Kakain na tayo," ani niya nang siya ay makarating sa tabi ng kanyang anak.

Tumango si Luisa at nagsimula nang maglakad patungo sa kanilang bahay ngunit muli niyang inilingon ang kanyang ulo para masilayan ang bulaklak.

Napatigil siya sa paglalakad.

"Luisa?"

Nanlaki ang mga mata ni Luisa nang makitang ang bulaklak na kanina lang ay hinahangaan niya ay wala na sa pwesto nito. Pumalit dito ang isang babaeng may mahabang buhok at tila nakatitig sa kanya. Hindi malinaw sa kanyang paningin ang itsura ng babae dahil sa liwanag na dulot ng araw.

"Luisa, anak? Anong nangyayari sa 'yo?" nag-aalalang tanong ng kanyang ina. Muli, hindi na naman sumagot si Luisa pabalik.

Nakatitig lamang siya sa babae na hanggang ngayon ay hindi pa rin gumagalaw sa kanyang kinatatayuan. Napansin naman ng ina ni Luisa ang kinikilos niya kaya agad itong napatingin din sa likod ng kanilang bakod. Ngunit wala siyang nakitang babaeng mahabang buhok. Tanging ang puno na may lantang mga dahon ang bumungad sa kanya.

"Ma…nakikita niyo ba," dahan dahang inangat ni Luisa ang kanan niyang kamay at itinuro ang pwesto ng babae. "May nakatingin na babae sa atin kanina pa."

Napakunot ang noo ng kanyang ina nang mapansing wala namang tao bukod sa kanilang dalawa sa labas ng kanilang bahay at imposibleng magkaron ng tao sa kanilang likurang bahay dahil wala namang nakatira rito. Hindi rin kayang pumunta ng mga magsasaka o kung sino man ang lawa dahil ito ay matagal ng isinara. Wala ni sino mang nagtangkang maglakbay sa lugar na iyon.

Ninenerbyos na tumawa ang kanyang ina at hinila si Luisa palayo sa damuhan. "Gutom ka siguro, Luisa."

"H-Hindi…teka lang!"

Napatigil naman ang ina sa kanyang paglalakad nang biglang sumigaw ni Luisa.

Sa kabilang banda ang babaeng nakita ni Luisa ay nagsimulang maglakad patungo sa lawa. Walang sabi-sabi ito'y bigla na lang naglaho na parang bula.

"Luisa," mariing sabi ng kanyang ina na siyang dahilan para bumalik ang atensyon ni Luisa sa kanya. "Tumigil ka na. Kakain na tayo."

Hindi na kailangan pang ulitin ng kanyang ina ang babala dahil seryoso itong nakatingin kay Luisa. Napayuko naman si Luisa dahil alam niyang wala siyang laban sa kanyang ina. Nagsimula na silang maglakad papasok sa kanilang bahay at naabutan naman nilang naghihintay sa hapagkainan ang kanyang ama.

Apat na taon ang agwat ng mag-asawa at mapapansin na siya rin ay hindi pa pinaglilipasan ng panahon dahil sa kanyang matatamis na ngiti nang makita niya ang kanyang mag-ina. May ilang puting hibla na rin siya ngunit hindi ito sagabal sa kanyang malalambot at maiitim na buhok. Ang kanyang mga mata ay kasing-bilog ng kanyang anak kasama na rin ang matatangos nitong ilong. Tanging ang mahaba at kulutang buhok lamang ng ina ni Luisa ang nakuha niya mula sa kanya.

"Flora, bakit ang tagal niyo? Kanina pa kumalakam ang tiyan ko," reklamo ng ama habang inihahanda ang upuan ng kanyang mag-ina.

"Itong anak mo ay tinatakot na naman ako," sagot ni Flora at nakuha nang umupo kasabay ni Luisa. "Ang sabi ba naman sa akin may babaeng nakatitig daw sa amin kanina. Diyos ko, Luis."

Napatingin naman si Luisa sa kanyang ama ngunit agad ding umiwas ng tingin. Akmang kukuha na sana siya ng kanin nang biglang pinalo ni Luis ang kanyang kamay. Mahina ngunit ikinagulat ito ni Luisa.

"Ilang beses mo nang nakakalimutan na bago tayo kumain, magdadasal muna tayo?" seryosong tanong ni Luis at pinagmamasdan ang kanyang anak.

Bakas sa mga mata nito ang pag-aalala na ipinakita rin ni Flora kanina lamang at mahinang napabuntong hininga ito. Iniwas niya ang tingin nito nang makitang napayuko na lamang si Luisa.

"Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espirito Santo, Amen…"

Kanya-kanyang nagdasal nang tahimik ang buong pamilya at nang matapos, kaagad silang nagsimulang kumain.

"Luisa, totoo ba ang sinabi ng mama mo?" tanong ni Luis habang nagsasandok ng adobo sa plato ni Luisa.

Hindi agad nakasagot si Luisa at napabuntong hininga muna ito. "Namamalikta lang yata ako, pa."

Umiling iling na lamang si Flora at sumubo ng isang kutsarang kanin. Natahimik na rin si Luis dahil sa sinabi ng kanyang anak at hindi na muli pang nag-usap ang tatlo hanggang sa matapos sila sa pagkain.

Tumayo na silang lahat at pinangunahan na ni Luisa magligpit ng mga plato at inilagay ito sa lababo.

"Luisa, ako na riyan. Ayusin mo na lang muna ang kwarto mo sa taas."

Hindi na nakaangal si Luisa sa kanyang ina at umakyat na lang sa kwarto niya.

Hindi pa rin mawala sa isip ni Luisa ang nasaksihan niya sa likod ng bahay nila. Halos ilang beses na rin niyang winalis ang sahig ng kwarto niya pero wala pa ring pagbabago. Hindi pa rin mukhang malinis ang kwarto. Pinagpagan niya na rin ang dala dala niyang kutson na gamit niya sa bahay nila sa Maynila. Pinunasan na rin niya ang mga bintana na halos hindi na mabuksan sa sobrang kalawang. Sinubukan na rin niyang punasan ng basang basahan ang sahig ngunit hindi pa rin mawala ang mga kalat kalat na itim na mukhang galing ito sa itim na pintura.

Kada minuto, sumisilip siya sa bintana, Nagbabakasali na makita niyang muli ang babae kanina. Pilit niyang kinakabisado ang hitsura ng babae. Mahabang puting damit at may disenyo ng magagandang bulaklak at pinalilibutan ng mga dahon ang kayang buhok. Ngunit ang importanteng parte ng katawan ay hindi niya halos makita. Ang kaniyang mukha. Sigurado siyang maganda ang babae. Ngunit bakit tinatago niya ito?

Sa gitna ng paglilinis na napalitan ng malalim na pag-iisip, hindi niya namalayan na dumidilim na. Ilang oras na ba siyang nakatitig sa bintana ay hindi niya napansing tuluyan nang nagtago ang araw sa mga puno.

Nagtataka siyang hindi pa rin siya tinatawag ng kanyang mga magulang kaya napagdesisyunan niyang lumabas na ng kwarto.

Pagbukas niya ng pinto, nagulat siya nang may malaglag sa gilid ng pintuan.

Isang lumang litrato na nakasabit sa pader.

Nilapitan niya ito at pinulot. Kinailangan pa niyang buksan ang ilaw para malinaw na makita ang larawan. Sa litrato, may isang babaeng hindi kalayuan sa edad ni Luisa. Malalawak na ngiti at abot hanggang balikat ang kanyang buhok. Nakaupo ito sa puting upuan suot ang isang mahabang dress na kulay lila at may nakapatong na kuwadernong kulay luntian sa kanyang hita. Pamilyar ang lugar kung saan kinuha ang litrato.

Itinaas niya ang kanyang tingin at inilibot ang mata sa buong itsura ng kwarto. Mas naging malinaw ang bawat sulok ng kwarto at kita sa kanyang pwesto ang ilang mga larawan na nakasabit pa sa kabilang pader. Hindi niya napansin kanina ang isang parihabang kahon sa gilid ng kama nito. Nilapitan niya at napuno ng kuryosidad ang kanyang mga mata.

Binuksan niya ang kahon at laging gulat niya nang may lumabas sa maliit na ipis. Mabuti na lamang ay hindi siya gaanong takot sa mga ipis. Sa lahat ng pinagdaanan niya, sa ipis pa ba siya matatakot? Napangiti siya nang bahagya sa kanyang naisip,

Inalis ni Luisa ang mga libro na nasa ibabaw at napansin niyang mahilig siguro magbasa ang dating may-ari ng kwarto na ito. Ang ilan ay mga librong ngayon ay pinapalabas na sa sinehan. Puro ingles ang kanyang mga binabasa at ang ilan ay nabasa na rin ni Luisa.

Napansin niya ang mga kagamitan sa pagpinta. Kasama nito ang ilan sa mga pinturang wala ng mga takip at nanigas na. Ito siguro ang dahilan kung bakit ang daming mga kalat kalat na pintura sa sahig. Sa pagkakataong iyon, bigla siyang nainggit sa babaeng may-ari ng kwarto na ito.

May mga talentong hindi niya kayang gawin katulad ng pagpinta. Kung marunong lang siguro siya sa larangan ng sining, hindi siguro sila lalayo pa sa kinalakihan niya. Hindi siguro siya iiyak sa gabi dahil panibagong araw na puno ng panlalait ang madadatnan niya kinabukasan sa kanyang eskwelahan.

Ilan lang ito sa kanyang naisip habang pinapakialaman ang dating gamit ng babae. Sa gitna ng kanyang pagkakalkal, nakita niya ang kuwadernong kapareho sa litrato na nakita niya. Nakasulat sa harap nito ang mga letrang halatang ipininta rin ng babae.

Luna.

Unang pumasok sa kanyang isip na pangalan iyon ng babaeng nasa litrato at mukhang ang kuwadernong ito ay ang kanyang diary. Gusto sanang buksan ni Luisa ito ngunit kung bubuksan niya ito, manghihimasok siya sa pribadong buhay ni Luna.

Ibinalik niya ito sa kahon bago pa siyang maakit na buksan. Sakto naman nang biglang kumatok ang kanyang ama sa pinto.

"Luisa?"

"Pa,"

"Pwede ba akong pumasok?" tanong nito habang nakasilip sa kaunting uwang ng pinto.

Agad namang isinipa ni Luisa ang kahon papunta sa ilalim ng kama. Hindi niya alam kung bakit itinago niya iyon sa kanyang ama. Siguro pakiramdam niya nangingialam siya ng gamit ng ibang tao at ayaw niyang malaman ito ng kanyang magulang. Lalo na sa kanyang ama.

Tumango si Luisa at pinagpagan ang damit nitong punong puno na ng dumi. Saka lamang niya napansin na hindi pa siya naliligo.

Inilibot ng kanyang ama ang buong kwarto at inobserbahan ang mga larawang nakasabit sa pader. Nakatingin lamang si Luisa sa sahig at hindi umimik ngunit binabantayan pa rin niya ang mga yapak ng kanyang ama.

Napatigil si Luis sa kanyang gilid at napatingin si Luisa sa kanya. Nabigla si Luisa nang makitang hawak ng kanyang ama ang litrato ni Luna kung saan sa litrato ay nakaupo ito sa upuan ng kwartong ito.

"Kahit kailan, napakaganda niya."

Napantig ang tainga ni Luisa nang marinig mula sa kanyang ama ang mga katagang iyon. Otomatiko siyang napatingin din sa litrato at tinignan muli ang kanyang ama.

Mukhang nabuhusan ang malamig na tubig si Luis at bakas sa kanyang mukha ang gulat dahil bigla niyang nabanggit ang mga iyon.

"Anong sinabi mo, pa?" tanong ni Luisa at puno ng kuryosidad ang kanyang mga bilugang mga mata.

Ibinalik niya ang litrato sa kama at pilit na ngumiti sa harap ng kanyang anak. "Sabi ko, ang ganda mo pa rin kahit hindi ka pa naliligo," tumawa ito ng mahina at ipinatong ang kaliwang kamay sa ulo ni Luisa.

"Kilala mo ba ang nasa larawan?"

"Ito?"

Tumango si Luisa.

Ngumiti ang kanyang ama at umiling. "Halika na, kakain na tayo."

Umalis na si Luis sa kanyang tabi at lumabas na ng kwarto. Hindi kuntento si Luisa sa sagot ng kanyang ama at kahit naguguluhan, sumunod na lamang siya sa kanyang ama.

Matapos kumain at maligo, bumalik siya sa kanyang kwarto at maghahanda na para matulog. Nilagyan na ng bed sheet ni Flora ang kanyang mahihigaan para makatulog si Luisa nang mahimbing.

Ngunit hindi siya dinadalaw ng antok. Ang daming mga bagay na hindi niya makuha ang sagot ngayong araw. Ang babaeng nasa likod ng kanilang bahay, si Luna at ang reaksyon ng kanyang ama sa litrato. Hindi siya makatulog dahil sa mga ito.

Nakailang ikot na rin siya sa kanyang kama pero hindi pa rin bumibigat ang kanyang mga mata. Hindi rin niya mas gugustuhin pang gumamit ng kanyang selpon dahil wala naman siyang kaibigan o kasintahan para makipagkumustahan. Mas lalo naman siyang nalungkot sa ideyang iyon kaya napagdesisyunan niyang kunin muli ang kwaderno ni Luna. Hindi niya alam kung tama ba magbasa ng buhay ng iba pero kung babasahin man niya, wala naman siyang dahilan para ikwento ito sa iba dahil siya lang naman ang nag-iisa sa kanyang buhay. Maliban na lang sa kanyang magulang.

Nang makuha niya ang diary, binuksan niya ang bintana para malasap niya kahit kaunti ang lamig ng hangin ng Bicol. Isa ito sa mga gusto niyang gawin na hindi niya magawa noong nasa Maynila pa siya. Ang magbasa habang tanaw ang bilugang buwan kasabay sa pagdampi ng malamig at sariwang hangin. Sa Maynila kasi hindi mo gugustuhing buksan ang inyong bintana dahil kabilaan ang kantahan ng mga kapitbahay mo. Ang mga pamilyang nagmumurahan dahil nambabae na naman ang asawa o hindi kaya ang mga batang hanggang gabi naghahabulan pa. Dagdag mo pa na ang hangin na malalasap mo ay amoy ng kahirapan. Polusyon.

Dito sa lugar ni Luisa ngayon, kaya niyang lasapin ang ideyang masarap manirahan sa Pilipinas. Matatanaw mo ang langit na walang halong itim na usok. Maaamoy mo ang mga halamang hindi pa iniiihan ng mga lalaking lasing o hindi kaya mga asong ulol na paggala gala sa daan. Hindi mo maririnig ang mga sigawan at batuhan ng mga kapitbahay dahil naubusan na sila ng pera. Hindi mo maririnig ang iyak ng sanggol na naghahanap ng gatas ngunit wala ang kanyang ina. Naroon sa kabilang kanto, nagsusugal. Walang mga batang mumurahin ka nang walang dahilan.

Dito sa lugar ni Luisa, malayo siya sa pagiging iskwater.

Hindi madaling mahalin ng Pilipinas, sa isip isip niya habang nakatitig sa buwan. Yakap ang diary ni Luna, naisip niya ang kalagayan ng mga taong nais ding mamuhay malayo sa ingay. Sa gulo. Sa kahirapan. Lahat ay nagsisikap ngunit hindi makaalis sa kahon. Lahat gumagawa ng hagdan ngunit nagpapaunahan, nagtutulakan. May ilang may mabuting loob ngunit sila ang dehado. Mahirap din palang mahalin ang mga Pilipino.

Napabuntong hininga siya at muling ibinalik ang atensyon sa diary ni Luna.

Kabado niyang binuksan ang unang pahina at nagsimulang basahin ang mga letrang hindi na gaano mabasa pa pero pinagtiisan ito ni Luisa.

Pebrero 17

Ayoko na dito. Gusto ko nang bumalik sa maynila. Simula nang lumipat kami rito, parati na lang nag-aaway sila mama at papa. Hindi ko na kayang marinig ang mga sigaw nila. Naririndi na ako sa tuwing iiyak si Hana sa tabi ko. Gusto ko nang umalis dito! Sawang sawa na ako sa mga nangyayari…

Kaagad niyang nakita ang kanyang sarili sa katauhan ni Luna. Dahil dito, mas nadagdagan ang antisipasyon niyang basahin ang diary niya.

Pebrero 25

Sana dumating ang panahon na hindi ko na mararamdaman ang bawat luhang tutulo sa aking mga mata. Nais kong tumungo sa lugar kung saan hindi ako makikilala ng mga tao. Pagod na pagod na ako.

Marso 5

Nakita ko na naman siya. Pero hindi ko siyang kayang lapitan dahil natatakot ako. Gusto siyang kausapin bakit palagi siyang nagpapakita sa akin. May hindi ako maipaliwanag na nararamdaman kapag nakatitig ako sa mga mata niya. Ngunit ayokong paniwalaan na nakikita ko siya. Hindi siya nakikita ni Hana. Hindi rin siya nagpapakita kay mama at papa. Natatakot ako pero naaawa ako sa malulungkot niyang mga mata.

Bumilis ang tibok ng puso ni Luisa nang mabasa niya ang sumunod na pahina ng diary ni Luna. Hindi niya mapigilang isipin na baka ang tinutukoy ni Luna ay ang babaeng nagpakita sa kanya kanina.

Marso 8

Hindi ko siyang magawang ipinta. Bakit nanghihina ang mga kamay ko kapag sisimulan kong iguhit ang mahaba niyang buhok? Nandito si Hana sa gilid ko at pinaglalaruan niya na naman ang mga paintbrush ko at sinusubukang gumuhit sa sahig ng kwarto ko. Nakakainis. Bakit kasi ako lagi nagbabantay sa kanya? Nasaan na ba sila mama?

Marso 29

Naririnig ko na naman ang away ng magulang ko. Nandito na naman si Hana sa kwarto ko, umiiyak. Sa mga oras na ito, mas gusto kong makita ka para ilayo ako sa ingay na ito. Please, ta y. Magpakita ka…

Paulit ulit kong binasa ang sinulat niya noong ikadalawamput-siyam ng Marso. Ibig sabihin ba nito, nasubukan na niyang lapitan ang babae at posibleng nakausap na niya ito? Ang hindi maintindihan ni Luisa ay ang huling parte ng sulatin. Sigurado siyang pangalan ito ng babae at hindi niya makuhang mahulaan kung ano ang naburang mga letra.

"Tamy? Tanny? Takky?"

Sandali, anong klaseng bulaklak iyon…

Mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya nang kinuha niya ang kanyang selpon at nagsaliksik tungkol sa mga bulaklak. Hinahanap niya ang pangalan ng halaman na nakita niya sa likod ng bahay nila at nang makita niya ang kaparehong itsura ng bulaklak, Nanginginig niyang kinuha muli ang diary at muling binasa ang huling sinabi ni Luna.

Please, Takay. Magpakita ka.

Hindi pa siya nakakaalis sa website na kanyang pinuntahan nang makita niya na may ilang lumabas na larawan ng isang Takay Flower. May nakita siyang website kung saan may alamat ang bulaklak na takay ngunit nang bigla niya itong pinindot, walang lumabas na kahit anong salita roon. Blangko at tila sinadya ang pagkawala ng laman nito na ipinagtaka ni Luisa. Hindi naman siya naubusan ng load dahil kahapon lang niya ito pinalodan para sa GPS ng lugar na ito.

Ipinikit ni Luisa ang kanyang mga mata at malalim na huminga.

"Gumising ka Luisa. Nananaginip ka lang."

Sinubukan niyang kurutin ang kanyang sarili ngunit siya rin ang nasaktan sa ginawa niya dahilan para mapadilat siya.

Sa gilid ng kanyang mata, naaninag niya ang puting liwanag na hindi kalayuan sa kanyang pwesto. Napalingon si Luisa at halos mapatalon siya sa kanyang inuupuan nang makita ang babaeng kanina lang ay hinahanap niya.

Sa mga oras na ito, hinihiling ni Luisa na sana hindi na lang siya nagpakita.


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C1
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login