Download App

Chapter 3: Hemira 2

Isang babaeng heneral ang naatasan

Prinsesang binihag, hanapin sa saan

Maglalakbay nang malayo, makikipaglaban

Maipon lamang, makapangyarihang mga kasamahan

~Hemira~

"Heneral Hemira! Bakit mo hinayaang mabihag nila ang mahal na prinsesa Ceres?! Hindi mo ba batid ang malaking suliranin na babagsak sa atin sa pagkawala ng prinsesa sa ating kaharian?!" galit na galit na sigaw sa akin ni Ginoong Remus, ang kaliwang kamay ng Hari.

May katabaan siya at hindi pa ganoong katanda ang itsura. Ang kaniyang kasuotan ay halatang puputok na dahil sa laki ng kaniyang katawan at bilog na bilog na tiyan. May bigote rin siya, kulot ang buhok at napakasungit ng mukha.

Agad akong tumikluhod sa kaniyang harapan at yumuko. Muling kumirot ang aking tagiliran dahil naipit ang sugat doon ngunit hindi ko iyon pinansin. "Patawarin n'yo ako Ginoong Remus sa aking naging kapabayaan. Hindi ko nagawang maprotektahan ang ating mahal na prinsesa. Anumang parusa ang nais n'yong ipataw sa akin ay aking tatanggapin kahit na ang kapalit pa ay ang aking buhay." seryoso kong wika.

"Hangal ka!" biglang sigaw rin naman ni Ginoong Remus. "Kahit na ang iyong buhay pa ang maging kapalit, wala pa rin iyong silbi! Hindi pa rin maibabalik sa kahariang ito si Prinsesa Ceres!" rinig na rinig ang lubos na pagkagalit niya sa kaniyang mga salita.

"Heneral Hemira!"

Ako'y napalingon sa mga mandirigmang nasa aking pamumuno na tumawag sa akin. Tumatakbong patungo na sila ngayon sa aming puwesto ni Ginoong Remus at nang makalapit na ay tumayo lamang sila sa aking likuran. Marami sa kanila ang mga sugatan pa at ang iba ay ginagamot na sa hardin ng mga Renki dahil sa matitinding sugat na natamo sa pakikipaglaban.

"Kayo'y tumikluhod din upang humingi ng kapatawaran!" sigaw ko sa kanila na sabay-sabay naman nilang tinalima.

Nagparoot-parito si Ginoong Remus sa paglalakad. "Iisang buwan ka pa lamang Hemira sa iyong pagiging heneral ngunit ipinakita mo na agad ang iyong kawalan ng kakayahan na protektahan ang ating palasyo! Dapat talaga ay hindi ako pumayag noon sa suhestyon ni Sueret na isang babae ang ilagay sa pagiging heneral ng ating mga mandirigma!"

Nanatili lamang akong nakayuko kahit na labis na insulto na ang aking naririnig. Lubos na sinisisi ko ang aking sarili sa aking naging kapabayaan.

Tama siya. Wala nga siguro akong kakayahan na protektahan ang aming palasyo dahil sa aking pagiging mahina.

Napapikit ako ng mariin sa aking naisip.

Maya maya ay aking narinig ang marahas na pagtayo ng isang mandirigma mula sa aking likuran. "Sandali lamang Ginoong Remus! Labis naman kayo sa inyong pananalita! Hindi n'yo ba nakikita itong mga sugat na tinamo ni Heneral Hemira?! Halos ibuwis niya na ang kaniyang buhay maprotektahan lamang ang palasyo kaya wala kayong karapatan na sabihan siya nang gan—"

"Tahimik!" malakas kong na sigaw kaya naman napatigil siya sa pagsasalita.

Tumayo ako upang harapin ang mandirigmang iyon.

Si Abun, ang aking malapit na kaibigan. Batid ko nang siya ang maglalakas loob na ako'y ipagtanggol.

Napatingin ako sa kaniyang tagiliran at may malaking hiwa rin siya roon katulad ng sa akin ngunit tinapunan ko siya ng mapagbantang tingin. Hinawakan ko ang kaniyang balikat at buong pwersa ko siyang idiniin paupo kaya siya'y napaluhod muli.

Hinarap kong muli si Ginoong Remus at namimilog pa rin ang kaniyang mga mata habang nakabuka ang bibig sa pagkagulat hindi dahil sa aking pagsigaw kundi dahil sa mga pinagsasabi ni Abun sa kaniya. Unti-unti nang napalitan ng matinding galit ang kaniyang pagkagulat. "Ikaaaaawww! Pangahas ka! Sino ka upang wikain mo sa akin ang mapagmalaking mga salitang iyan?! Isa ka lamang hamak na mandirigma! Wala akong pakialam kung mamatay pa ang babaeng iyan sa aking harapan! Wala akong pakialam kung kayo'y pumanaw sa pakikipaglaban dahil wala naman kayong mga silbi!" Pulang-pula na ang kaniyang mukha at mabigat ang paghinga sa galit.

Nagpanting naman ang aking tainga sa kaniyang sinabi at naging malamig ang tingin ko sa kaniya. Naglakad ako palapit sa kaniya habang seryosong nakatingin nang deretso sa kaniyang mga mata.

Nabakas naman ang takot doon at siya'y napapaatras sa bawat hakbang ko palapit sa kaniya. "B-B-Bakit ka gan'yan kung m-makatingin?! H'wag mong sabihing papaslangin mo ako dahil lamang sa panlalait ko sa mga pipitsuging pinamumunuan mong iyan! Mag-isip-isip ka muna Hemira. Kung gagawin mo iyon sa akin ay siguradong ipapapatay kayo lahat ng hari! Ako ang kaliwang kamay niya kaya matakot ka!"

Hindi ako tumigil sa paglapit sa kaniya hanggang sa mapasandal na siya sa pader. Napakatalim ng aking tingin sa kaniya na ngayon ay pigil na pigil na ang kaniyang hininga. "Insultuhin mo na ako hanggang sa iyong nais ngunit hinding-hindi ko hahayaan na baliwalain mo ang buhay ng mga mandirigmang ito. Marami na sa kanila ang napaslang sa pakikipaglaban at marami rin ang malubhang sugatan, wala pa rin ba silang mga silbi?"

Napalunok siya ngunit pilit niya lamang na pinananatili ang kaniyang matapang na ekspresyon sa kaniyang mukha. "P-pangahas kang babae ka!" Inangat niya ang kaniyang kamay at akma akong sasampalin ngunit hindi ako nagpatinag sa pagtitig sa kaniya nang biglang may humawak sa kamay niyang iyon kaya napatingin kaming parehas sa taong iyon.

Nanlaki ang aking mga mata. "G-ginoong Sueret!"

Hawak niya ang pasampal na kamay ni Ginoong Remus sa akin.

Napatikluhod kaagad ako sa kaniya at nanatili pa ring nakatikluhod ang lahat ng mga mandirigma. Narinig ko naman ang marahas na pagbawi ni Ginoong Remus ng kamay nito sa kaniya.

Siya naman ang kanang kamay ng hari at pinuno ng hukbo ng mga maheya. May katandaan na siya kumpara kay Ginoong Remus at napakahaba ng kaniyang puting buhok na nakasayad na sa lupa ngunit malakas pa rin siya.

Isa siyang puting maheya.

"Tama ba ang aking narinig na sinabi ni Remus na wala kayong mga silbi Hemira?" tanong niya sa akin.

Hindi ko nagawang sumagot. Nanatili pa rin akong nakayuko at sa sahig lamang nakatingin.

"Ano naman kung akin iyong sinabi Sueret? Mga walang silbi naman talaga ang mga iyan! Makikipaglaban lamang, hindi pa minabuti! Iyan tuloy! Nabihag ang mahal na prinsesa!" mapang-uyam na sabi ni Ginoong Remus.

Bigla namang tumawa si Ginoong Sueret na ikinatingin naming lahat sa kaniya dahil sa aming pagtataka.

Halatang hindi rin iyon inaasahan ni Ginoong Remus ngunit unti-unti nang napuno ng inis ang mukha nito dahil sa kaniyang pagtawa. "Ano ang iyong tinatawa-tawa riyan? Baka nakakalimutan mong ikaw ang nagsuhestiyon na itong babaeng ito ang ilagay sa pagiging heneral ng mga mandirigma? At isa pa, ikaw rin ay nararapat na mausig sa pagkawala ng prinsesa. Ikaw ang pinuno ng mga maheya ngunit wala ka ring nagawa upang mapigilan iyon! Inuna mo pang sumama sa pakikipaglaban sa may unahan ng palasyo kaysa bantayan ang ating mga maharlik kaya kung ako sa iyo, maghahanda na ako sa parusang ipapataw sa akin ng hari."

Napatikom ako ng bibig sa talim ng kaniyang dila sa ginoo.

Umismid pa siya. "Huwag kang mag-alala sapagkat ako na ang bahala sa posisyon mong kanang kamay ng hari kapag naparusahan ka na." may ngisi sa mga labing saad niya at bakas na bakas sa mga mata ang pagkaganid sa kapangyarihan ngunit mas lalo lamang tumawa si Ginoong Sueret.

Ang tawa niya lamang ang maririnig ngayon dito sa pasilyo ng palasyo. Hinampas-hampas pa niya sa balikat si Ginoong Remus habang humahalakhak.

Mayamaya lamang ay pilit niya nang kinalma ang sarili. "Pasensya na kayo. Ako'y natatawa pa rin nang lubos sa tuwing aking maaalala itong si Remus na pilit ipinagkakasya ang kaniyang sarili sa ilalim ng maliit na lamesa upang makapagtago lamang sa mga kalaban na nakapasok na rito sa loob ng palasyo." Pinunasan na niya ang luha sa kaniyang mga mata na gawa ng kaniyang pagtawa.

Napatingin tuloy kaming lahat kay Ginoong Remus na ngayon ay nanlalaki ang mga mata at pulang-pula na sa pagkahiya.

Dahil doon ay hindi na napigilang mapahagikgik ng mga mandirigma sa aking likuran ngunit nilingon ko agad sila at sinaway gamit ang matalim kong tingin.

Ayokong dagdagan pa ang parusang ipapataw sa amin ng pikon na pikon nang si Ginoong Remus.

"Ito ba ang dapat kong madatnan pagkatapos na mawala ang aking prinsesa?! Ang inyong paghahagikgikan?!"

Natahimik ang lahat dahil sa isang mabaritonong boses na nanggaling sa likuran naming lahat.

Napalingon kami sa direksyong iyon at ngayon lamang namin napansin ang isang ginoo na kararating lamang.

"Mahal na haring Herman!" Bakas ang takot sa boses ni Ginoong Remus.


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C3
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login