Download App

Chapter 2: 1: Unusual Events

RAVAYANA

"Yana hija, pakilagay nga sa labas ang basura natin. Mamaya dadaan ang mga basurero," marahang utos sa'kin ni Manang Gina. Agaran akong tumango at lumabas ng bahay dala-dala ang sako ng basura. 

Si Manang Gina ay ang nag-aalaga sa'kin mula pa noong ako'y trese anyos, isa siyang biyudang nasa edad singkwenta na at nagtuturo sa isang lokal na paaralan dito sa aming baranggay. Huminga ako nang malalim bago lumapit sa tumpok ng basura at mabilisang itapon doon ang amin. Bago tumalikod, nasilayan ko ang isang kubang pigura ng kumakalkal sa basurahan. 

Nangunot ang aking noo, anong ginagawa niya? Napansin niya yatang may nakatingin at dahan-dahang tumigil sa pagkalkal at nilingon ako. Tantya ko'y nasa edad ochenta na ito, may mahabang itim na buhok na hindi naalagaan at medyo kuba ang kurba ng katawan. Ngumiti ang matandang babae. 

"Hija, ano ang iyong ngalan?" paos na anas nito. Nakasuot siya ng maputik na balabal sa ulo at mas maputik na daster. Magmamano sana ako kaso naalala kong kinakalkal niya ang mga basura kanina gamit ang mga kamay. 

"Ako ho si Ravayana." Tumango-tango ito at luminga-linga sa paligid. Bumalik ang tingin nito sa'kin at ngumiti muli. Inilahad niya ang kanyang mga palad. 

"Akin na ang iyong mga palad." Nakangiti siya at marahang pumikit. Pero bumulong muna siya, "malinis na ang mga kamay ko, hija."

Paano? Ni hindi ko nga siya nakitang naghugas ng kamay. Pero ipinatong ko pa rin ang mga kamay sa kanyang mga nakalahad na palad. Ang nakakagulat na makinis na kamay niya ang sumalubong sa akin. Malilinis rin ang mga kuko at kagulat-gulat na hindi kulubot ang kanyang mga kamay at braso. Ano 'to? Illusyon?

"Dito ka ba talaga nabibilang? Sa mundong ito? Ano ang alam mo sa iyong sarili? Bumalik ka na. Viens à la maison, Ravayana," nakapikit niya itong binubulong. Bulong lang ito pero bakit parang ang lakas ng boses nya sa tenga ko? 

Sa sobrang lakas, napapapikit na rin ako. Paulit-ulit ang huling linya nya. Sa 'di malamang dahilan, naiintindihan ko iyon.  

"...viens à la maison, Ravayana." 

"...viens à la maison, Ravayana."

"Ravayana, Ravayana..." 

Palakas nang palakas, ang sakit sa tenga. 

"Yana!"

Biglang nawala ang tinig. Dumilat ako at hindi na ang matandang babae ang kaharap ko kundi si Manang Gina. Nagpalinga-linga pa ako sa paligid, nagbabakasakaling makikita pa ulit an matandang kuba ngunit wala na. 

"Yana hija, ayos ka lang ba?" Hinuhuli ni Manang Gina ang aking paningin, nag-aalala siya. Dahan-dahan akong tumango. 

"Diyos ko salamat naman, pinag-alala mo ako dahil napatagal ka sa pagtatapon ng basura. Ano ba ang nangyari, hija? Nahihilo ka ba?" Sunud-sunod na tanong ni Manang Gina, umaamba pa siyang hihipuin ang noo at leeg ko at baka raw may lagnat din ako. Napangiti naman ako sa pagka-maaalalahanin niya, nagpapasalamat ako at sya ang nag-aalaga sa akin dito. 

Umaga nang mangyari ang kababalaghang iyon, ngayo'y humapon na pero iyon pa rin ang nasa utak ko. Kung gaano kalaki ang epekto sa akin ng sinabing iyon ng matanda ay lingid sa aking kaalaman. Hindi ko alam bakit ramdam na ramdam ko ang sinabi niya. Kung bakit tagos na tagos sa aking isipan ang mga kataga niya. 

Ano nga ba ang alam ko sa sarili ko? Ako si Exallirae Ravayana, dicienueve anyos na babae na ipinanganak noong ika-1 ng Enero. Pwera doon, wala na. Noong ako ay trese, nakita ako ni Manang Gina sa gilid ng kalsada at kinupkop. Ang mga pangyayari bago ako mag-trese ay hindi ko na maalala. Dito ba talaga ako nabibilang? Sa bayang ito, sa bansang ito, o sa mundong ito? Noon pa ma'y naniniwala akong may iba pang mundo. Iba pang kalawakan.

Mga librong tinutukoy ang alternate universe, o parallel worlds ang mga paborito kong basahin. Hindi ko alam kung bakit, pero interesadong-interesado rin ako sa mga bagay na may mahika. Na kinokonsiderang hindi totoo dito. 

Iba rin ang aking anyo kumpara sa ibang batang kaedad ko. O sa ibang tao na rin. 

Tumayo ako mula sa kama at pinuntahan ang salamin. Mariin kong tiningnan ang aking sarili. Ibang-iba ito sa karaniwang tao dito. Mula sa pilak na buhok, pababa sa lilang mga mata, porselanang kutis na hindi nalalagyan ng peklat, hanggang sa kulay gintong dugo bago madapuan ng hangin at maging pula. Ang dulo rin ng aking mga daliri sa kamay ay may kakaunting bakas ng lila. 

Tuwing kinukulayan ko naman ng itim ang buhok ko, kinabukasan pagkaligo ay sasama lang din ang kulay sa tubig at mananatiling pilak ang buhok. Kung wig naman ang ilalagay, mangangati ito hanggang sa isipin kon g baka nadapuan ng pagkarami-raming kuto ang ulo ko nang lagyan ng wig kaya tatanggalin din agad.  Tuwing nilalagyan ng contact lens ang aking mga mata ay maiiyak na lang ako sa sakit at hindi ito tatagal ng isang minuto. Parang tinutusok ang aking mata at baka mabulag pa ako kung hindi ito tatanggalin.  

Hindi ko na talaga maitatago ang kaanyuan ko, kaya sa huli, hindi na lang ako pumasok sa eskwela dahil sa pang-aasar  sa akin ng mga kaklase ko at dito na lang sa bahay nag-aral. Tutal guro naman si Manang Gina. Lumipas ang ilang araw at nanatili pa rin sa aking utak ang sinabi ng matanda. Tuwing matutulala ako ay kinukulit talaga ako ng kanyang boses. Hanggang sa kausapin na ako ni Manang Gina. 

"Hija, ayos ka lang ba talaga? NItong nakaraang mga araw napapansin ko laging malayo ang iniisip mo," bungad ni Manang. Hinagod niya ang aking likod at nag-alay ng marahang ngiti. 

"Ayos lang po ako, Manang. May iniisip lang po." Tumango-tango siya at  pumunta sa silid-aklatan. Nagtaka ako kung bakit parang ang bilis niyang maniwala kaya sinundan ko siya, at nakitang may libro siyang marahang ginalaw. Nagmistula itong switch nang bumukas ang isang istante ng mga libro.

Dumungaw ako sa inilabas ng istante at nakakita ng isa pang silid-aklatan. May patungan rin ng aklat sa gitna at mayroong isang nakahiwalay na libro doon. 

Nilingon ako ni Manang. "Halika rito, Yana."

Ngayon ko lang nadiskubre ang parteng ito ng silid-aklatan. Namamalagi ako rito pero hindi ko maalalang ginalaw ko ang librong nagbukas nitong lihim na aklatan. Ano pa kaya ang itinatago ni Manang?

Dahan-dahan akong sumunod sakanya at inikot ang mata sa lugar. Mas matatandang aklat ang naririto kumpara sa mga libro sa kabila. Ang nakakagulat ang, ang ibang libro ay ginto o pilak. Ang bibigat siguro ng mga 'yon. Mas maliit din ang aklatan na ito kumpara sa isa, baka ito ang mga librong hindi maaaring ipahiram sa mga bisita o mga masyado nang antigo para mabasa pa. Pero bakit na kay Manang ang mga ito? Dapat ay nasa mga museum ang karamihan dito. 

Napansin kong nilapitan ni Manang ang librong nasa gitna at sinusubukan itong alisin sa lectern nito. Tinabihan ko siya at nagulat nang makita ang maliit na libro. 

Pinapaligiran ito ng mga lilang parang alikabok! 

Namangha agad ako sa libro, ang laki nito ay hindi lalagpas sa palad ko, may gintong outline ang pabalat habang ang nasa gitna'y nakasulat sa sosyaling mga letra: "Book of Spells"

Bakit may ganyan si Manang? Hindi kaya'y mangkukulam talaga sya at hindi guro? 

"Manang, bakit ka po may ganyan?"  maingat kong tanong. Tiningnan niya ako saglit bago kuhanin ang libro at ilahad sa'kin.

"Ikaw ang nagmamay-ari niyan, hindi ako," nakangiti niyang usal. Kung ganoon, bakit may ganyan ako? At paano niya nalamang sa akin yan? Napakaraming tanong ang umiikot sa ulo ko at hindi ko na alam kung alin ang uunahing itanong.

"Kung sa akin nga iyan, Manang, bakit ngayon ko lang 'yan nakita?" Nagkibit balikat siya at inilahad muli sa akin ang libro. Kinuha ko iyon at pinagmasdan pang mabuti. Dumami ang mala-alikabok pero lila ang kulay na nakapalibot sa libro.

"Nakasuksok ito sa bulsa mo nang una kitang makita sa gilid ng kalsada. Noon pa ma'y nahiwagaan na ako sa librong iyan kaya minabuti kong kupkupin muna ito dito at ibigay sa 'yo kapag may nangyayari nang kahina-hinala," mahabang litanya niya. Napatango-tango naman ako.

Kasama ko ito nang mapadpad ako dito at ngayo'y nasa kamay ko na ulit ito. Ano kaya ang ginagawa ko noon? Ang nangyari kaninang umaga ay talaga nga namang kahina-hinala kaya talagang ibibigay na ito sa 'kin ni Manang. 

"Noon pa ma'y hindi ko na mabuksan ang libro kahit na wala itong kandado kaya hindi ko na lang pinakialaman at hinintay na ibigay ito muli sa 'yo," dagdag pa ni Manang. 

"Maraming salamat ho sa pagtatabi nito para sa 'kin, Manang," nakangiti kong pagpapasalamat kay Manang, "pero gusto ko lang po malaman, bakit po ang dami niyong lumang libro dito? Ayaw niyo po bang ibigay ito sa museum?" 

Nakangiti siyang umiling. "Hindi hija, pinagkatabi-tabi ito ng aking mga ninuno at matapos ay ibibigay ko lamang sa iba? Itatabi ko na lamang sila para sa susunod na henerasyon ng angkan ko." 

Naiintindihan ko si Manang, kaya imbes na magtanong pa kung magkakaroon pa kaya siya ng mga susunod na tagapangalaga sa edad niyang iyan ay nanahimik na lang ako. 

Nagpaalam na akong aakyat sa aking kwarto kaya mabilis akong humiga sa kama at nasasabik na binuksan ang unang pahina ng 'aking' libro. 

Book of Spells  

by Exallirae Ravayana Iraaní Sollum 

Kumunot agad ang noo ko sa unang pahina pa lang. Iyan ba ang aking buong pangalan? Ang ganda naman. Lumipat ako sa susunod na pahina at may isang linya ng kakaibang mga letra ang naka-gitna, at nasa ilalim ay ingles- parang paglalarawan ng nasa itaas. Sa 'di malamang dahilan ay naiintindihan ko ang dayuhang lenggwahe. 

Souffler, souffler, jusqu'à ce que chaque chair tombe

Destruction. Nuclear bombs in every appointed spot. 

Ang bigat naman yata no'n. Baka mga chant nga talaga ito, mga spells, na gawa ko. Na gawa ko noong ako'y trese anyos pababa. 

Nagpatuloy ako sa pagbabasa at sinusubukan na ring kabisaduhin ang mga pandayuhang salita. Baka kailanganin. Iniiwasan kong bigkasin ang mga salita habang kinakabisa ito dahil ayon sa mga napanood at nabasa ko, baka may delubyong mangyari. Para namang may kapangyarihan akong paganahin ang mga pang-salamangkang wika na ito. Karamihan din sa mga spell na naririto ay mabibigat at ang pangunahin ay opensiba, ang ibang depensa. Walang ni isang spell dito ang hindi nakakapinsala. 

Ang kapal din ng maliit na librong iyon, hindi ko natapos ang pagkakabisa dahil inabot na ako ng hatinggabi sa pagbabasa. Ipinagpatuloy ko iyon sa mga sumunod pang araw. Tuwing makikita ako ni Manang na binabasa iyon ay nangingiti na lang siya at ipagpapatuloy ang ginagawa. 

"Yana hija, pakisarado nga ang gate natin. Nakalimutan kong isara kanina," sigaw ni Manang mula sa kusina. Nasa sala ako ngayon at pinaglalaruan ang maliit na libro sa kamay. Tuwing lumalapat kasi ang mga lilang alikabok sa dulo ng daliri ko, nahahati ang mga ito sa dalawa at kumikinang lalo. Ang kulay lilang dulo ng daliri ko naman ay pumupusyaw ngunit kalauna'y bumabalik sa dati. 

Bumangon ako sa pagkakahiga sa sofa at lumabas na sa bahay para maisara ang gate. Papalapit na ako sa gate nang makarinig ako ng tunog ng isang nabubuhay na makina sa bandang gubat malapit lamang sa aming bahay. Ang mga kapitbahay namin ay malayo-layo pa at panigurado'y tulog na dahil wala na rin ang araw at Biyernes ngayon kaya pagod ang mga tao. Nasa liblib na lugar ang bahay ni Manang at may gubat pa kaming katabi. 

Hindi ko malaman kung pupuntahan ko ba ang tunog o hahayaan na lang. Baka kasi may nagpaandar ng pagkalaki-laking vacuum sa kung saan o ibang makina. Pero sino ang gagawa non ngayong dis oras ng gabi? Sa huli ay napagdesisyunan kong sundan ang tunog at hayaang bukas ang gate. 

Dahan-dahan akong naglalakad at saka ko lang nalaman na may hawak hawak nga pala akong nagliliwanag na libro kaya't mabilis ko itong itinago sa aking suot na puting bestida. Pinasok ko ang gubat at hinayaang ang tainga ko ang magdsisyon ng direksyon. Ngayon ay kumbinsido na akong walang magbubuhay ng makina dito sa gubat ngayong gabi. Isa itong mahiwagang pangyayari nanaman. 

Maingat din ako sa paggawa ng ingay dahil kung saka-sakaling may ibang taong nandito at marinig pa ako, mapagkamalan pa akong masama. Ilang minutong paglalakad, may namataan akong lumiliwanag na bilugang... bagay? 

Para itong isang salamin na kita ang iyong buong katawan ngunit imbes na repleksyon mo ang makikita mo, ang kalawakan ang nakikita dito. Malakas ang pag-uudyok sa akin ng isipan kong hawakan ito, kaya't hinawakan ko nga. Wala akong maramdaman, parang hangin lang ang naroon. Pero naramdaman ko ang saglit na pagyanig ng lupa at ang pagliparan ng mga ibon dito sa gubat. 

May naramdaman din akong mabilis na paggalaw ng hangin sa aking likod, kaya sa pag-aakalang may tao sa aking likuran, napahakbang ako paabante. Huli na nang lumingon ako pabalik dahil naramdaman ko ang paghigop sa akin ng oblong na bagay. 

Portal? Paano? Saan ako papunta? 

Forgotten Charm | Chapter 1 

by zavieda 


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C2
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login