Download App

Chapter 2: (2) Ang Lihim ng Pamilyang Montevirgen

Kalat-kalat na mga upuan at mga hindi pa nabuburang mga sulatin sa pisara ang makikita mo sa unang pagpasok mo pa lang ng pinto. Sa loob ng isang maliit na silid-aralan, mag-isang nakaupo si Luisa habang siya'y nagsusulat sa kanyang kuwaderno. Tinatapos ang mga sulatin na hindi niya nagawa kagabi dahil hindi na naman siya makagawa ng kanyang takdang aralin sa sobrang ingay ng katabi nilang bahay. Kaarawan ng anak ni Aling Miray at may kaunting salo-salo sa kanilang bahay. Ang pagdiriwang ay inabot ng alas tres ng madaling araw. Nais man niyang tapusin ang takda sa asignaturang Filipino, hindi niya ito masimulan dahil nakakaabala ang ingay ng videoke kapag siya ay nagbabasa.

Kaya, napagdesisyunan niyang pumasok na lang ng maaga upang tapusin ang naudlot niyang takda. Halos magaalas-sais pa lang ng umaga at ang kanyang mga kaklase ay paniguradong papunta pa lamang sa kanilang eskwelahan. Nakasuksok ang itim at mahabang elektronika na tinatawag na earphones sa kanyang tainga habang nagpapatugtog ng mga instrumental musics/classical musics dahil sa pamamagitan nito, mas lalong naitutuon ni Luisa ang kanyang atensyon sa kanyang gawain.

Nabasa kasi ni Luisa na ang pakikinig sa ganitong klaseng mga musika ay makatutulong upang pataasin ang lebel ng pokus sa inyong ginagawa. Dahil na rin sa mga musikang ito, natutulungan niyang pataasin pa lalo ang kanyang mga iskor sa bawat pagsusulit.

Sa kabilang banda, isa ito sa mga dahilan kung bakit patuloy siyang inaasar ng ilan sa kanyang mga kaklase. Hindi raw ito ang uso sa kanilang henerasyon at isang wirdo lang ang makikinig sa mga ganoong klaseng musika.

Gustuhin man sabihin ni Luisa na hindi pa rin naman uunlad ang Pilipinas kung patuloy silang makikinig sa mga kantang puno ng mga lirikong pambabastos sa mga babae. Ngunit lahat ng kanyang mga nais sabihin ay nauuwi lamang sa katahimikan. Wala siyang laban kung papatulan niya ang mga ito dahil wala siyang kakampi. Walang maglalakas loob sa na siya ay tulungan kaya't hinahayaan niya na lamang na pagsabihan siya ng masasamang bagay dahil aminin man niya sa kanyang sarili, ang iba sa kanilang panlalait ay tama. Bakit kailangan niya pang makipag-away kung lahat naman ng hindi niya matanggap sa kanyang sarili ay nasasabi na ng iba?

Napabuntong-hininga na lamang si Luisa at inilapag ang kanyang bolpen. Sa wakas ay natapos na rin niyang sagutan ang kanyang takda.

Itinaas niya ang kanyang mga braso at nagunat-unat kaunti. Sakto namang dumating na ang dalawa niyang kaklase at agad niyang ibinaba ang kanyang mga braso at umiwas ng tingin. Itinuon niya lamang ang kanyang atensyon sa kanyang papel.

Bakunawa…hmm…pitong buwan…

Nagkunwari itong nagbabasa habang ang dalawang niyang kaklase ay nakuha nang umupo sa kanilang pwesto. Mukhang walang balak guluhin ng dalawa ang buhay ni Luisa at dahil dito napanatag ang puso niya.

Isinara na niya ang kanyang kuwaderno para ipasok na sa kanyang bag nang biglang lumapit sa kanya ang isa niyang kaklase.

"Luisa! Hoho…baka naman pwedeng makopya ang sagot mo?" ani niya habang sinusubukang umupo sa lamesa ni Luisa.

Humigpit ang hawak niya sa kanyang kuwaderno at napakagat siya sa kanyang labi. Sino bang makakapagsabi na may pahinga ang mga taong pahihirapan ang buhay mo?

Sumulyap si Luisa sa pinto at napansing wala pa namang ibang makakakita na ipinahiram niya ang kanyang takda. Bumuntong hininga muna siya at dahan dahang ibinigay ang kanyang kwaderno.

"Sa 'yo ko lang ibibigay 'to, Ella. Sana huwag mo na ipasa sa i-iba…" nakangiting banggit ni Luisa.

Tumawa nang malakas si Ella at kaagad na kinuha ang takda ni Luisa. "Syempre naman! Tenkyu!"

Bumalik na siya sa kanyang pwesto at muling napabuntong hininga si Luisa sa kanyang ginawa.

Alas sais y medya ng umaga sa lugar ng Bicol. Bumungad kay Luisa ang mataas na sikat ng araw nang imulat niya ang kanyang mga mata. Tanaw mula sa kanyang higaan ang kisameng puno pa rin ng mga agiw. Nalimutan niyang linisin ito kahapon kaya agad siyang bumangon upang makapaghanda na ng almusal at nang maipagpatuloy niya ang kanyang paglilinis.

Nang inilapag niya ang kanyang paa sa sahig may matigas na bagay siyang natapakan. Sumilip siya paibaba at nakita niya ang luntiang talaarawan ni Luna na nakahandusay sa sahig. Kaagad na bumalik ang kanyang alaala kagabi at kung paano napunta ang ang talaarawan na ito sa sahig.

Ang tanging natatandaan niya ay kung paano siya napatalon sa kanyang pwesto nang biglang magpakita si Takay sa likod ng kanilang bahay. Doon pa rin sa pwesto noong una nilang pagkikita. Ngunit sa mga oras na 'yon, tanaw na ni Luisa ang buong mukha ng misteryosang babae at laking gulat niya na ang mga labi nito ay nakangiti sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang pahiwatig nito ngunit sa pagkakataong iyon ang tanging nagawa lang ni Luisa ay isara ang bintana at magtago sa kanyang kumot.

Nakatulog na lamang siya nang hindi namamalayang napuno na sa pawis ang kanyang leeg dahil sa init.

Napailing ang kanyang ulo nang maalala ang pangyayaring iyon.

"Nababaliw na yata talaga ako," bulong nito sa sarili at pinulot ang kuwaderno ni Luna. Inilagay niya ito sa kalapit niyang mesa.

Isinuot na niya ang kanyang tsinelas at lumabas na ng kwarto. Agad siyang dumiretso sa kusina para tignan kung may sinaing pa ba mula kagabi. Bago siya makarating sa kusina, madadaanan muna niya ang kwarto ng kanyang magulang. Dahan dahan siyang naglakad upang hindi nila marinig ang kanyang yapak. May kaunting uwang ang pinto ng kwarto at nang sumilip siya, tanging ang malaking kuwadro na nakasabit sa dingding nila ang nakita niya. Simula bata pa lamang ang kanyang ama, nasa kanya na ang kuwadro na iyon. Ang hindi niya maitindihan ay hindi naman mahilig ang kanyang ama sa larangan ng sining. Wala rin siyang naikukwento kung paano napunta iyon sa kanya. Hindi na niya sinubukan pang tignan ang buong kwarto at kaagad itong bumaba sa hagdan.

Habang bumababa, kita mula sa kanyang pwesto ang kabuuan ng kanilang sala at kusina. Saka lamang niya napansin na marami pang dapat ayusin sa kanilang bahay. Balak din ng kanyang ina na palitan ang kulay ng bahay dahil mukha na itong sobrang luma tignan. Ang mga kagamitan ay pinaglumaan na ng dating may-ari nito. Hindi maiwasan ni Luisa isipin kung sa loob ba ng bahay na ito, napunto ng hindi pagkakaintidihan ang pamilya ni Luna. Sa sala ba na ito, nakikita niyang nag-aaway ang kanyang magulang? O sa kusina niya naririnig ang mga sigawan?

Ang tahanang ito ay hindi gaanong kalakihan at hindi gaanong masikip para sa kanilang tatlo. Ang mahalaga ay hiwalay ang kusina at sala. Higit sa lahat, may sarili na siyang kwarto. Kung ikukumpara sa kanilang bahay noon, iisa lang ang sala at kusina nila. Maging ang tulugan ay limang hakbang lang layo sa sala't kusina. Mainit at masikip. Nang makaipon si Luis sa trabaho na kanyang pinagsikapang trabuhin, lumipat na sila dito. Isang malaking pagbabago rin ang kanilang kailangan tanggapin dahil malayo ito sa kanilang kinalakihan.

Nakarating na siya kusina at nang buksan niya ang kaldero, isang sandok na lamang ang kanin na natira kaya't siya ay nagsaing na muna bago magluto ng ulam. Inihain niya na ito sa kalan at nagsimula na siyang maghilamos at magsipilyo.

Bumalik siya sa kaniyang kwarto upang tanggalin ang mga agiw sa kisame at iniayos na rin niya ang mga kalat na hindi niya nagawa kahapon. Kailangan na rin niyang pinturahan ng punti ang bawat dingding nito dahil sa tingin niya, mas liliwanag ang buong kwarto kung lahat ay puti. Marami rin siyang nakikita ngayon sa facebook na iba't ibang disenyo kung paano linisin ang kwarto at kadalasan niyang makita na gumamit ng maaliwalas na pintura.

Muli na naman niyang nakita ang talaarawan ni Luna at kinuha ito. Pinakikiramdaman niya ang kanyang sarili dahil baka may mangyari na namang kakaiba kapag sisimulan niyang buksan ito. Hindi pa rin malinaw sa kanya ang lahat kaya sa ikalawang pagkakataon nais niyang malaman kung ano ang susunod na nangyari sa buhay ni Luna. Bago niya ito buksan, huminga muna siya ng malalim at inihanda ang sarili, Hindi niya alam kung bakit kailangan pa niyang gawin 'yon para lamang magbasa. Nababaliw na ba siya? Isip ni Luisa habang binubuksan ang kuwaderno…

Abril 4

Sobrang lakas ng ulan at kami na naman ni Hana ang naiwan dito. Nasaan na naman ba sina mama at papa? Hindi ba nila naiisip na may dalawa silang anak? Palagi na lang nila iniintindi ang sarili nila. Nakakasawang pumagitna. Nakakasawang umawat.

Abril 5

Buti na lang dumating si Takay kahapon at pumunta na naman kami sa lugar kung saan hindi ko alam na meron pala ang Pilipinas. Ang ganda ganda ng lugar, kasingganda ni Takay.

Pero naaawa ako sa kalagayan niya. Gusto ko siyang tulungan pero hindi ko alam kung paano.

Napatigil siya sa pagbabasa nang makita muli ang pangalan ni Takay. Natatakot na baka mamaya sumulpot na naman ito sa kanyang harapan.

Abril 9

Nagpakita na naman ang pinsan kong napakagulo. Ang likot likot na nga ni Hana dadagdag pa siya. Sana nandito si Takay at dalhin niya ulit ako sa lugar na yon. Hindi ko pa pala natatanong kung anong lugar yon…

Hindi maintindihan ni Luisa ang kanyang nabasa at mukhang wala namang masyadong nangyari sa kanya sa buwan ng Abril. Maliban na lang sa lugar na sinasabi niya na pinuntahan nila ni Takay at kung sino ang pinsan niya. Biglang pumasok sa isip niya ang kanyang tatay. Hindi kaya ang pinsan na sinasabi ni Luna ay ang kanyang ama?

Pero imposible 'yon dahil walang nababanggit sa akin si papa na may pinsan siyang Luna…

Naisip niya ring tanungin muli ang kanyang ama tungkol kay Luna dahil sa tingin niya kilala ni Luis ang matagal nang naninirahan sa bahay na ito. Baka alam din niya ang tungkol kay Takay at kapag pinakita niya kay Luis ang talaarawan na 'to baka mas luminaw pa ang bawat pangyayari.

Halos malimutan niyang nagsasaing pala siya kaya agad siyang tumakbo sa kusina. Naabutan niyang inaasikaso na ito ng kanyang ina. Suot ang pantulog niyang damit, napalingon siya sa kanyang anak.

"Basa at sunog na naman 'yang sinaing mo. Kailan ka ba matututong magsaing?��� mahina nitong parangal kay Luisa gamit ang inaantok na tono.

Kusang inilagay ni Luisa ang kanyang mga braso sa likuran at napayuko.

"Good morning, my love and the flower of my life!"

Napalingon si Luisa sa kanyang ama nang bigla itong sumulpot sa kaniyang likod. Gulo gulo pa ang kanyang buhok at suot ang pantulog nitong damit. Malawak na ngiti ang bungad nito sa kanyang mag-ina.

"Ano 'yong naaamoy ko?" umarte siya na parang nasa telebisyon kung saan inaamoy amoy ang paligid habang nilalakihan ang dalawang butas ng ilong. "Amoy hindi binantayan ang sinaing!"

Tumawa nang malakas si Luis sa kanyang biro at napansin niyang hindi natuwa ang kanyang anak kaya agad niyang binago ang kanyang ekspresyon ng mukha. Kahit kailan, hindi niya makuhang pangitiin ang mga labi ng kanyang anak at dahil dito nalulungkot siya sa ideyang hindi niya maabot ang kanyang anak kahit sobrang lapit nito sa kanya.

"Biro lang anak, ano ka ba!" katulad ng ginawa niya kagabi, inilagay niya ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Luisa at ginulo ang kanyang buhok.

Muli, hindi umimik si Luisa.

Nagtungo si Luis sa kinaroroonan ng kanyang asawa at kumuha ng tasa upang magtimpla ng kape. Isang matapang at mainit na kape ang kanyang nais bago pumasok sa bago niyang trabaho. Kahit ayaw niya sa kanyang papasukan ngayon, hindi niya ito pinaramdam sa kanyang mag-ina dahil alam niyang malaki ang epekto nito sa kanyang anak. Alam niyang kinailangan nilang lumipat ng bahay para mas mapangalagaan ang kalagayan ni Luisa. Nais niya ring makita muli ang matatamis nitong mga ngiti na siyang dahilan kung bakit patuloy pa rin siyang nagsisikap bilang isang mabuting ama.

Sa kabilang banda, habang nagluluto ng itlog si Flora, hindi pa rin mawala ang pagkadismaya sa kanyang anak. Nasa edad na si Luisa upang gawin ang mga bagay na dapat matutunan niya upang mabuhay ngunit heto siya't palaging nalilimutang bantayan ang sinaing. Sinusubukan niyang intindihin ang kaisa-isahan niyang anak ngunit wala siyang makuhang sagot. Magmula nang malaman niyang binu-bully si Luisa sa eskwelahan, mas sinisi ni Flora ang kanyang sarli dahil kahit kailan hindi niya nagawang itanong kung kumusta na siya. Hindi niya alam kung tama bang maging ina siya. Ito ang ilan sa mga kinalulungkot niya kaya mas pinili niyang lumipat at magsimula ng panibagong buhay.

Nagtungo si Luisa sa sala at sinubukang magliwaliw. Hindi na rin niya gusto pang maglinis dahil nadidismaya na naman siya sa kanyang sarili. Hindi niya inaakalang mangyayari na naman ang araw na ito na makikita niya ang miserableng itsura ng kanyang magulang. Kahit hindi man nila sabihin, alam ni Luisa na nagaalala pa rin sila sa kalagayan niya.

Hindi gusto ni Luisa ang ganitong pakiramdam dahil kahit gaano pa ka-miserable ang kanyang buhay, ayaw niyang idamay ang kanyang mga magulang. Ngunit sa bawat araw na dumadaan pakiramdam niya isa siyang pabigat dito sa pamilya na ito. Parang hindi niya kayang suklian ang paghihirap ng kanyang ama at ang sakripisyo ng kanyang ina.

Bakit kasi ganito ako?

Napaupo si Luisa sa lumang upuan na gawa sa kawayan at napatitig sa dingding ng kanilang sala. Noong una, hindi siya napansin na may mga litratong nakasabit dito. Nagtataka siyang hindi ito kinuha ng kanyang ina noong sila ay naglilinis ng bahay.

Inilibot niya ang kanyang mga mata para tignan ang mga nasa larawan. Napansin niya na ang mga larawan ay kinuha rito mismo sa bahay na ito. Kitang kita ang kaibahan ng bahay noon at sa ngayon. Ang mga lumang upuan at lamesa sa kanilang kusina ay hindi pala kulay kayumanggi dahil ito ay tunay na kulay kahel ayon sa litratong nakita niya. Ang bawat kasuotan ng mga nasa larawan ay malayo sa sa sandong kanyang suot ngayon. Balot ang bawat braso ng mga kababaihan habang ang mga kalalakihan naman ay magalang na inaalalayan ang mga kababaihan sa kanilang makikisig na braso.

Napatayo siya nang mapansin ang isang pamilyar na kasuotan. Agad itong lumapit sa larawan at pinagmasdan nang mabuti ang litrato. Hindi dapat siya magkamali, si Takay ang nakita niya. Ito ang dami na suot niya nang makita niya si Takay noong tanghaling iyon.

Nanayo ang kanyang mga balahibo nang mapagtanto niyang kita sa larawana ng mukha nito. Ngunit dismayadong mapansin na ito ay malabo na dahil sa kalumaan. Hindi niya matukoy ang features ng mukha ng dalaga. Suot pa rin niya ang mahaba nitong puting damit at ang mahaba nitong buhok ay katulad sa kung paano niya nakita si Takay noong hapon at noong gabing iyon. Hindi siya makapaniwala na itong larawan na ito ay nandito pa rin sa kabila ng ilang pamilyang nakatira dito.

Ngunit mas naguluhan si Luisa sa kanyang natuklasan. Kung si Takay ay tunay na tao kagaya ni niya, ano ang koneksyon nito sa pagiging bulaklak nito? Mas lalong nadagdagan ang kanyang kuryosidad sa katauhan ni Takay at mukhang sasabog na ang kanyang ulo kakaisip kung ano ang mas malapit na dahilan kung bakit nasa larawan siya ng bahay na ito at kung bakit nakikita niya si Takay.

Sa katabi ng litratong ito, nakita niya ang isang larawan ng isang pamilya. Dalawang babaeng nakaupo sa kawayan na upuan at nakatayo sa kanilang likuran ang dalawang taong sa tingin ni Luisa'y sila ang magulang ng dalawang babae. Saka niya napagtanto na ang litratong iyon ay ang pamilya ni Luna dahil napansin niyang yakap ng isang babaeng may suot na lilang damit ang luntiang kuwaderno. Ang bunso niyang kapatid ay may hawak na maliit na manika habang suot suot ang inosente nitong mga ngiti.

Inilipat ni Luisa ang kanyang tingin sa larawan ni Takay at inobserbahan ito nang mabuti. Nagbabakasakaling may ilang puntos siyang mapansin at masagot ang gumugulo sa kanyang isip.

Ngunit lahat ng litrato ay malabo na at pinaglipasan na ng panahon.

"Luisa!"

Napatalon siya sa kanyang kinatatayuan dahil sa sigaw ng kanyang ina sa kusina.

"Ma!" sigaw rin ni Luisa dahil sa gulat.

Sumilip si Flora sa boses ni Luisa mula sa kanyang kinatatayuan. "Nariyan ka pala, akala ko umakyat ka na naman sa taas."

Inalis na ni Luisa ang kanyang atensyon sa mga litrato at lumapit sa kusina. Naabutan niyang naglalaro ang kanyang ama ng Candy Crush habang nagkakape samantalang ang kanyang ina ay nagsasandok na ng kanin.

Naramdaman ni Luis ang presensya ng kanyang anak at lumingon ito sa kanya. "Magplato ka na raw, 'nak."

Tumango si Luisa at kumuha ng plato. Ini-ayos niya ang mga ito sa lamesa kasama na ang kutsara't tinidor. Sakto naman inilapag na ni Flora ang niluto niyang itlog at ang basang kanin na sinaing ni Luisa. Kasama na rin ang ininit na adobo na natirang ulam kagabi.

Nagsimula na silang magdasal at kumain.

Tahimik lamang silang kumakain habang si Luisa ay nagdadalawang isip tanungin ang kanyang ama tungkol sa bahay na ito. Hindi pa rin mawala sa kanyang isip ang litratong kanya lamang nakita kanina. Hindi rin niya alam kung ito ba ang tamang pagkakataon para magtanong.

"May gusto ka bang itanong, Luisa? Kanina ka pa nakatingin sa akin," ani ni Luis habang kumukuha ng panibagong sandok ng kanin. "Masyado na ba akong gwapo, 'nak?"

Bigla namang natauhan si Luisa sa kanyang ginawa at hindi namalayang nakatitig na pala siya sa kanyang ama.

Napayuko siya at ibinaba ang hawak na kutsara't tinidor. Tinitigan niya sa mata ang kanyang ama bago magsalita. "Pa, kilala niyo po ba si Luna?"

Halatang nabigla ang kanyang ama sa tanong ni Luisa. May kaunting uwang sa kanyang mga labi, nagpapakita na ito ay nagulat sa kanyang sinabi.

Samantalang pabalik balik na tinitignan ni Flora ang kanyang mag-ama, nagtataka kung ano ang nangyayari sa kanilang dalawa. Hindi rin niya mawari kung sino ang tinutukoy nilang Luna. Kaagad naman niyang ibinaba rin ang kubyertos at hinintay ang sagot ng kanyang asawa.

Tila parang bumalik sa reyalidad si Luis nang mapansin niyang nasa kanya na ang atensyon ng lahat at napabuntong hininga na lamang.

"Luna Montevirgen," mahina nitong sambit habang nakayuko.

Nanlaki ang mga mata ni Flora sa kanyang narinig. "Si Luna? Teka, sandali," nagtataka siyang tumingin kay Luisa. "Paano mo nalaman ang pangalan ng pinsan ng papa mo?"

Parang naputulan ng hininga si Luisa sa kanyang narinig at nalaman ngayon. Unti-unti may natutuklasan siya sa nakaraan ni Luna base sa kanyang nababasa sa talaarawan nito. Pero hindi niya inasahan na ganito kalapit ang relasyon ng kanyang ama kay Luna. Ibig bang sabihin nito, may alam siya tungkol kay Takay?

Hindi niya pinansin ang kanyang ina at muling tumingin sa kanyang ama. "Kilala niyo ba si…Takay?" nag-aalangang tanong ni Luisa.

Kumunot ang noo ng kanyang ama at tinitigan nang mariin ang kanyang anak.

"Takay?"

"Sinong Takay?" sabat ni Flora.

Umiling ang ama ni Luisa. "Hindi ko siya kilala, anak. Bakit mo naitanong si Luna?"

"Nakita ko ang diary niya sa ilalim ng higaan ko at nalaman kong si Luna ang may-ari nito. Nabanggit niya rin si Takay,"

Ngayon, parehas nang nakakunot ang noo na kanyang magulang.

"Luisa. Sinong nagturo sa'yong magbasa ng diary ng ibang tao?" may diin na sambit ng kanyang ama.

Kaagad na iniyuko ni Luisa ang kanyang ulo. Pinagsisisihang binanggit niya pa ang tungkol sa diary. Hindi na rin siya makapagsalita dahil sa hiya at takot dahil paniguradong kukunin nila ang diary ni Luna. Nag-aalala siyang hindi niya na malalaman ang tungkol sa misteryosang babae na si Takay. Agad naman nanlaki ang mga mata ni Luisa nang maalalang may litrato rin si Takay sa sala nila. Nagmamadali siyang tumayo at hindi pinakinggan ang saway ng kanyang mga magulang. Nagtungo siya sa sala at hinanap ang litrato ni Takay.

Ilang segundo ang lumipas pero hindi pa rin niya nahahanap ito. Nagsisimula na rin siyang kabahan dahil baka mamaya guni-guni niya lamang ito at ayaw na niyang dagdagan pa ang galit ng kanyang magulang.

Sa wakas nakita na niya ang litrato at kaagad na tumakbo papalapit sa kanyang magulang na hanggang ngayon ay nalilito pa rin sa inaakto ng kanilang anak.

"Ito! Kilala niyo po ba siya?"

Ipinakita ni Luisa ang lumang litrato sa kanyang ama at naki-usisa naman ang kanyang ina. Seryoso nilang pinakatitigan ang litrato at kahit hindi man rinig, sobrang lakas ng kabog ng dibdib ni Luisa. Hindi niya alam kun sa kaba ito o sa engganyong malaman ang totoo.

Napatingin si Luis kay Flora, "Kilala mo ba 'to, Flor?"

Umiling si Flora habang nakatitig pa rin sa litrato. May hindi maipaliwanag na naramdaman si Flora sa kanyang nakita. Hindi niya rin ito sinubukan pang ipakita sa kanyang mag-ama dahil baka dahil lang ito sa pagod at ayaw niyang mag-alala ang dalawa.

Inilapag nila ang litrato sa lamesa at umupo na si Luisa sa kanyang upuan.

"Hindi niyo po siya kilala?"

"Luisa, baka itong babae na ito ay dating may-ari ng bahay na ito, hindi naman natin alam kung ilang pamilya na ang nakatira dito," maamong ani ng kanyang ama.

Nakatingin lamang si Luisa sa kanyang ina na kanina pa tahimik simula nang makita ang litrato

"Ma?"

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Flora nang marinig ang tawag ng kanyang anak.

"H-Hindi ko siya kilala, anak. Kumain na tayo. Huwag na huwag mo nang babanggitin ang pangalan ni Luna at ng Takay na 'yan, naiintindihan mo?" mariin na parangal ni Flora sa kanyang anak.

Ilang segundong pinakatitigan ni Luisa ang kanyang ina at nang makubinsi niya ang kanyang sarili na wala siyang makukuhang sagot mula sa kanya. Pinagpatuloy na lamang niya ang pagkain at sinusubukang kalimutan ang larawan ni Takay.


Load failed, please RETRY

Weekly Power Status

Rank -- Power Ranking
Stone -- Power stone

Batch unlock chapters

Table of Contents

Display Options

Background

Font

Size

Chapter comments

Write a review Reading Status: C2
Fail to post. Please try again
  • Writing Quality
  • Stability of Updates
  • Story Development
  • Character Design
  • World Background

The total score 0.0

Review posted successfully! Read more reviews
Vote with Power Stone
Rank NO.-- Power Ranking
Stone -- Power Stone
Report inappropriate content
error Tip

Report abuse

Paragraph comments

Login