Download App

Chapter 113: Chapter 33

"KABUTE! Ang dami naman," nagniningning ang mga matang usal ni Madison nang makita ang mga puting fungus na tumubo mula sa ilalim ng patay na puno.

Pinitas iyon ni Lerome at inilagay sa bag nitong gawa sa nilalang rattan. Papunta sila sa Siblang Taraw pero pagdaan nila sa gubat ay nagtaka siya nang parang may hinahanap ang lalaki. Iyon pala ay naghahanap ang lalaki ng kabute.

"Malakas ang kidlat kahapon kaya nagsulputan ang mga kabute."

Ikiniling ng dalaga ang ulo. "Totoo ba iyon? Di ba sabi-sabi lang iyon."

"Nakakatulong nga ang static electricity na nagpapalago di lang sa kabute kundi pati sa ibang mga halaman," paliwanag ng lalaki. "Reporter ka kaya dapat alam mo iyan. Na-discover na iyan sa Japan. Gumagamit pa sila ng artificial lightning para mas mabilis na mapatubo o mapadami ang mga pananim lalo na ang mushroom. Pero ang alam ko ginagawa na ang strategy na iyon sa ibang bansa noon pa."

"Sige. Ipapaalam ko sa boss ko kung may gumagamit na ring farm dito na ginagamit ang technology na iyon."

Mas magaan na ang pag-uusap nila ngayon. Parang normal na ang lahat. Walang sinuman sa kanila ang bumanggit pa tungkol kay Jeyrick at sa lokasyon nito kahit nang kakuwentuhan nila si Manong Melvin noong hapunan. Subalit nagkwento naman ito tungkol sa pamilya. Kung paanong kailangang magsakripisyo ng pag-aaral ni Jeyrick para makapag-aral ang ibang kapatid. At gusto lang daw nito ay magkaroon ng sariling pamilya ang anak dahil baka makalimutan nang mag-asawa.

Gusto niyang kausapin si Mang Melvin tungkol sa interview sa anak nito pero minabuti niyang huwag na lang. Ayaw niyang magkabanggaan na naman sila ni Lerome dahil dito. Gusto niyang i-enjoy ang mga sandali na kasama niya ito. Bago ulit niya makita si Jeyrick. Bago niya gawin ang trabaho.

Tuloy-tuloy lang sa paglalakad si Madison at pakanta-kanta pa nang biglang pigilan ni Lerome ang backpack niya. "Hanggang dito lang tayo. Kumunoy na ang tatapakan mo," sabi nito.

Napatitig ang dalaga sa damuhan sa harapan niya. Parang may mga tuyong dahon lang naman na nagkalat doon. "Ito na 'iyon?" usal niya at biglang umurong. "Bakit naman kasi walang nagsasabi na ito na pala iyon?"

"Isa iyan sa project namin na kailangang ikonsulta sa mga matatanda sa amin. This is a mystical place. Anumang structure o kahit mga signs kailangan pang malaman kung papayag ang mga anito," paliwanag nito.

Umupo siya sa gilid at uminom ng tubig sa water canister niya. Maalinsangan ang panahon pero masarap sa paningin ang berdeng kapaligiran ng Siblang Taraw. Ayon kay Lerome ay isang malaking kumunoy ang kalawakan ng sapa na iyon. Minsan daw ay di iyon nagpapakita. Wala namang kakaiba doon kung tutuusin pero dahil na rin sa kwentong bumabalot sa naturang kumunoy kaya nakakaintriga.

"Paano nakakaligo ang mga diwata sa kumunoy? Anong meron?" tanong ni Madison at binuksan ang baunan na may lamang tinapay. "Di ba sila lumulubog?"

"Diwata sila kaya may kapangyarihan sila."

"Bakit sa kumunoy pa nila napili na maligo? Yung mga moon fairy kasi sa Japan sa hot spring sila naliligo," aniya at inabot ang tinapay dito.

 "Kasi di naman nakakaligo diyan ang mga tao. Huwag kang mag-alala, itatanong ko sa kanila kapag natiyempuhan ko silang naliligo dito."

Umingos siya. "Huwag na. Baka isama ka nila sa mundo nila."

"Para namang mami-miss mo ako kapag isinama nila ako."

Natigilan ni Madison. Ano kaya ang mararamdaman nito kung sasabihin niyang mami-miss niya ito? Nang di nga siya nito kinikibo kahapon ay na-miss na niya ito kahit na magkasama silang dalawa.

Huminga ng malalim ang dalaga at sumandal sa puno. "Di na ako nagtataka na bumababa ang mga anghel dito sa lugar ninyo. Parang sobrang lapit ninyo sa langit. Pero nakakalungkot lang dahil sa huli pinili pa ring iwan ng anghel ang asawa at mga anak niya," sabi ni Madison kay Lerome nang maalala ang kwento ng anghel na naiwala ang pakpak at di nakabalik sa langit.

"Siguro dahil para sa kanya, sa langit talaga lugar niya. Mahirap naman pilitin ang isang tao na ayaw na manatili sa tabi mo. Ang pag-ibig ay di pinipilit. Parang buhangin na habang kinukuyom mo sa palad mo ay lalong humuhulagpos."

Nilingon niya ang binata. "Ganoon ka ba kapag nagmahal? Palalayain mo na lang at hindi mo ipalalaban kahit na mahal na mahal mo?"

Nagkibit-balikat ito. "Kung para daw sa iyo ang isang tao, babalik pa rin sa iyo kahit na pakawalan mo."

"Martir ang tawag doon. Ang mga martir, binabaril sa Luneta. Ang pag-ibig, dapat lang na ipinaglalaban. Kung pwede itali mo sa baywang mo."

"Mas maganda na hanapin ng taong mahal mo ang kaligayahan niya nang malaya. Kaysa naman hawak mo sa leeg at pinipilit mo siyang maging masaya sa iyo."

"Paano kung hindi siya bumalik sa iyo?"

"Maging masaya ka kung saan siya masaya. Ganoon ang pag-ibig, Madison."

Natahimik ang dalaga. Anong pag-ibig ba ang kaya niyang ibigay? Siya kasi ang tipo ng tao na lumalaban. Hangga't kaya niya ay di niya pakakawalan. Hindi niya ugali ang magparaya o pakawalan ang pagkakataon lalo na kung mahalaga sa kanya. Mali ba siya ng paraan ng pag-ibig?

"Kung may iba ka pang gustong puntahan, sabihin mo lang sa akin. Sasamahan pa rin kita," untag ni Lerome sa dalaga. "Saan mo gustong pumunta?"

"Sa Kadaclan. Gusto kong pumunta sa Kadaclan."

Matiim siya nitong pinagmasdan. Walang paliwanag. Hinintay niya na tumutol ito. Na iligaw siya. Alam nitong naroon si Jeyrick. "Sige. Sasamahan kita."

Nasa tinig nito ang pagsuko. Na parang di siya nito mapipigilan kung gusto man niyang makita si Jeyrick at ma-interview.  

Biglang umihip ang malamig na hangin. Naramdaman ni Madison ang patak ng tubig sa mukha niya. "Umuulan?" gulat niyang usal at tumingala. Napapikit ang isang mata niya nang muling pumatak ang tubig. "Maaraw lang kanina. Bakit biglang umulan?"

"Nasa gitna tayo ng isang malaking rainforest. Normal dito ang mabilis na pagbabago ng panahon. Kailangan na nating bumalik sa kubo," anang binata at tumayo.

"Pero di pa tayo nagtatagal dito," angal ng dalaga. Sobrang layo ng nilakbay niya para sa ilang sandali lang sa lupain ng mga dwata

"Kapag di pa tayo bumalik ng kubo, baka mas mahirapan tayong makabalik mamaya. Mas mahihirapan kang pumunta ng Kadaclan. Mukhang importante sa iyo na makarating doon," makahulugang sabi ng binata. Inabot nito ang kapote sa kanya. "Isuot mo ito."

"May payong na ako," anang si Madison at dali-daling inilabas ang payong mula sa bag.

"Mababasa ka pa rin kahit may payong ka. May mga gadgets kang dala. Baka mamaya mabasa iyan. Importante iyan sa iyo, hindi ba?"

"Paano ka?" tanong niya sa binata.

"Kaya ko ang sarili ko." At isinuot ang hood ng jacket nito. "Lakad na."

Nakayukong sinalubong ni Madison ang malakas na ulan. Mabigat ang hakbang niya na naglakad patungo sa kubo. Kung kanina ay sasabihin ni Lerome na ayaw siya nitong samahan sa Kadaclan, masaya niyang tatanggapin. Dalhin siya nito kung saan wala si Jeyrick. Wala siyang pakialam. Hindi na niya maintindihan ang sarili.

Si Lerome na ba ngayon ang gusto niya na handa siyang isuko ang pangarap niya at si Jeyrick basta hingin lang nito? Baka naman nahihibang lang ako.


CREATORS' THOUGHTS
Sofia_PHR Sofia_PHR

Please support me on Patreon and you can read some of my unprinted books, books that are already out of print and not on ebook, and to be released stories.

Be a patron here:

https://www.patreon.com/filipinonovelist

Load failed, please RETRY

Gifts

Gift -- Gift received

    Weekly Power Status

    Rank -- Power Ranking
    Stone -- Power stone

    Batch unlock chapters

    Table of Contents

    Display Options

    Background

    Font

    Size

    Chapter comments

    Write a review Reading Status: C113
    Fail to post. Please try again
    • Writing Quality
    • Stability of Updates
    • Story Development
    • Character Design
    • World Background

    The total score 0.0

    Review posted successfully! Read more reviews
    Vote with Power Stone
    Rank NO.-- Power Ranking
    Stone -- Power Stone
    Report inappropriate content
    error Tip

    Report abuse

    Paragraph comments

    Login